Friday, August 19, 2011

ALINSANGAN SA TAG-ULAN ( A LITERARY PIECE FOR BUWAN NG WIKA 2011)



“ Ang lakas naman ng ulan. May bagyo na naman ata,” sambit ni Kaloy habang nakadungaw sa isang bintana ng kanilang tindahan.

Magtatanghali na nang magsimulang bumuhos ang isang malakas na ulan kasama ang isang mabagsik na hampas ng hangin. Isang binatang nagngangalang Kaloy ang masipag na tumatao sa isang maliit na tindahan na pinagmamay-ari ng kaniyang Tiyo Cesar. Bukod sa pagiging matandang binata ng kanyang tiyo, nalolong na rin ito sa pagma-mahjong. Kaya mula nang makatapos si Kaloy sa hayskul, siya na ang naatasan dito.

Kinabukasan, tumila na ang ulan.

“Ang sakit ng ulo ko. May lagnat yata ako. Hindi, sinat lang ito. Kakayanin ko pa naman kahit papaano,” wika ni Kaloy sa sarili.

Pakiramdam ni Kaloy ay magkakasakit siya kaya napagpasyahan niyang magtungo sa isang malapit na botika.

            “ Mukhang hindi ako makakatao ngayon sa tindahan ni tiyo. Okey lang siguro yon, sabado naman ngayon eh. Palala nang palala na kasi tong sinat ko,” dagdag niya.

            Pabalik na si Kaloy nang biglang bumuhos na naman ang ulan. Di tulad noong isang araw, may dala na itong malalakas na kidlat at kulog. Hindi niya namalayan na habang tumatagal, pataas na nang pataas ang baha. Inakala niyang titila rin ito. Subalit, kanyang ikinagulat ang kanyang nasaksihan na waring isang ilog na ang malapad nilang karsada.  

“ Naku po!” sabi niya.

            Iyon lang ang namutawi sa kanyang bibig habang pinagmamasdan niya ang baha. Ngunit hindi niya ito ikinibahala. Sa halip ay sinuong niya ang malakas na agos nang buong tapang. Para mas madali niyang marating ang kanilang bahay, binagtas niya ang ibang daan.

            “Inay ko po!” sigaw niya.

            Napasigaw siya nang mahulog sa kanyang harapan ang isang malaking sanga ng punong-kahoy. Kahit na masama ang pakiramdam, ipinawalang-bahala niya ito makauwi lang nang ligtas.

            Nagsimula nang sumakit ang kanyang ulo. Naisip niya baka hindi pa siya makarating sa bahay ay bumagsak na siya. Ngunit tinibayan niya ang kanyang loob. Sa sapantaha niya’y isang dalangin na sana’y makaligtas siya.

            Pataas  nang pataas ang tubig na umabot na hanggang tuhod. Nang makalapit na siya sa tulay, biglang may naputol na kawad ng kuryente. Ito’y kanyang ikinagulantang at ikinatakot. Kaya nama’y tinahak niya ang isang maliit na daan na magdadala sa kanya sa pangunahing kalye ng kanilang pook.

            “ Siguro nama’y aabot pa ako nito sa bahay,” pahayag niya.

            Pagkaraan ng ilang minuto, narating niya ang kalye na basang-basa. Bumakas sa kanyang mukha ang liwanag ng pag-asa. Naisip niyang mararating na rin niya sa wakas ang kanilang bahay. Nilalamig man siya’y nakabakat pa rin sa kanya na parang inaanod na ng baha ang kanyang kaba.

            “ Hay, salamat naman Dios ko at dininig niyo ang aking panala........!”

            Hindi niya natapos ang kanyang gustong sabihin. Yun pala’y may nangyari sa kanya nang malapit na niyang marating ang kanilang bahay. Dahil sa taas ng tubig-baha hindi niya napansin ang isang manhole sa gitna ng kalye. Nagkataong nalaglag siya dito.. Siya ay basang-basa at nangangamoy.

            “ Ano na naman bang inaatupag mo! Tanghaling tapat at nangangarap ka ng gising!” bulyaw ng kanyang Tiy Cesar habang dala-dala ang isang walang lamang timba.

Yun pala’y nananaginip lang si Kaloy, basang-basa at kamuntik na mahulog sa kanyang inuupuan. Ang kanyang Tiyo Cesar nama’y nakatayo sa kanyang gilid na tila isang bulkan na kapuputok pa lang. Dala nito ang isang timbang binuhos kay Kaloy habang natutulog sa tindahan. Nanlilisik ang mga mata nito sa galit dahil bukod sa hindi binantayan ni Kaloy ang tindahan, eh nanakawan pa sila ng paninda.

“ Pasensya na po kayo tiyo, wala po kasing bumibili kaya po ako nakatulog. At saka ang lakas pa ng ulan, malamig pa ang hangin,” paliwanag ni Kaloy.

“ Ang dami mong palusot. Tingnan mo nanakawan tayo! Teka, anong amoy iyon? Parang mapanghi na mabantot!” palahaw ni Tiyo Cesar.

Inamoy ng dalawa ang paligid at may napansin si Kaloy sa kanyang pantalon. Ito’y basang-basa at nangangamoy ihi.
“ Naku po tiyo, ako po ata iyon. Di ko napansin,” pabirong pahayag ni Kaloy.

“ Ano! Ang laki-laki mo na at umiihi ka pa sa pantalon mo? Hala sige, uwi at magbihis. Madaliin mo at magma-mahjong pa ko,” utos ng kanyang tiyo.

Umuwi si Kaloy at nagbihis. Siya ay hiyang-hiya. Hindi niya akalain na panaginip lang pala ang lahat. Ayan tuloy napagalitan siya ng kanyang Tiyo Cesar.
                                                                                                  

       Katha ni   Jay M. Gerzon
                                                                                                                        AB English 3-1

No comments:

Post a Comment